
Estudyante pa lang si Patricia Evangelista ng Speech Communication sa College of Arts and Letters sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman nang tumampok ang pangalan niya sa pandaigdigang entablado. Sa edad na 18, noong 2004, sumali si Patricia at nagwagi sa International Public Speaking Championship sa London, United Kingdom. Sa kanyang talumpati, pinamagatang “Blonde and Blue Eyes”, pinagdiwang niya ang mga Pilipinong nasa labas ng bansa, nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng “mundong walang hangganan” (“borderless world”).
Sa kanyang librong Some People Need Killing: A Memoir of Murder in My Country (2023, Random House), binalikan ni Evangelista ang talumpating ito. Sa paghirang niya sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, aniya, hindi niya nabanggit—o hindi niya alam—na nangingibang bansa ang mga Pilipino dahil sa kawalan ng oportunidad sa sariling bansa. “That many of those laborers had been forced into contracts abroad for the sake of starving families at home was a fact that I glossed over,” aniya.
Gayunman, naging hudyat ang katanyagang ito ng isang karera sa midya. Noong 2006, bilang kolumnista para sa Philippine Daily Inquirer, isa si Evangelista sa pinakamasugid na sumubaybay sa kaso ng pagdukot ng militar sa dalawa niyang kaeskuwela sa UP: ang mga aktibistang sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. Sinubaybayan din niya ang iba pang kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Arroyo—sinundan, halimbawa, ang mga nanay na naghahanap ng kanilang nawawalang mga mahal-sa-buhay, kumakatok sa tarangkahan ng iba’t ibang kampo at opisina ng militar at gobyerno, para lang pagbagsakan ng mga pinto. Malayo ito sa “borderless world” na inakala noon ni Evangelista.
Taong 2016, investigative reporter na siya para sa Rappler. Hasa na siya sa isang dekadang pagsubaybay sa mga isyung pangkarapatang pantao nang masabak sa pagkober sa madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Ang karanasan ni Evangelista sa pagsubaybay sa giyerang ito ang naging bulto ng nilalaman ng Some People Need Killing.
Mula sa paghirang ng New York Times at New Yorker sa kanyang libro bilang isa sa pinakamahusay ng taong 2023, muling nasabak sa pandaigdigang pagkilala si Evangelista. Sa pagkakataong ito, inabot niya ang pambihirang antas ng pagkilala. Pero, mas mahalaga, lalong naipapalaganap ang mga kuwento ng lagim ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Mas mahalaga, lalong naipapalaganap ang kawalan ng hustisya sa mga biktima.
Nagsisimula ang libro sa pagpapaliwanag ng awtor sa personal niyang kasaysayan at perspektiba, at iniugnay ito sa kasaysayan ng bansa. Mabagal ang pag-usad ng bahaging ito, pero esensiyal na bahagi ng pag-unawa sa sumunod na mga desisyon ni Evangelista kaugnay ng pagsubaybay sa mga kuwento ng mga biktima ng (at kalahok sa) giyera kontra droga.
Sa paglalahad ng mga kuwento pinakamakapangyarihan ang libro. Bagama’t minantine niya ang distansiya ng mamamahayag sa kanyang sabdyek, malinaw ang pagmamalasakit ni Evangelista sa mga biktima at kaanak. Malay ang awtor na nakatuntong ang giyera sa pagbubura ng pagkatao ng mga binabansagang “adik” at “tulak,” sa dehumanization at brutalidad ng mga institusyon ng estado sa mga maralitang itinuturing ng estado na latak ng lipunan. Kung kaya, pansin sa kanyang naratibo ang sadyang pagbawi ng pagkatao nila—sa pamamagitan ng paglalarawan sa kanila bilang mga magulang, anak o asawa, mga mamamayang di kaiba sa mambabasa.
Sa pagitan ng mga naratibong ito, may pagpapasilip si Evangelista sa mga posibilidad ng paglaban—ang aktuwal na paglaban sa brutalidad, hindi ang pekeng “nanlaban” —ng mga mamamayang tulad ni Normy Lopez at iba pang pamilyang tumindig, nagsalita, nagreklamo at ipinaglaban ang dignidad ng kanilang mga anak, kapatid, asawa, marami pa na nilapastangan ng giyera ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kabila nito, ipinakita rin niya na bulnerable ang mga maralita sa pandarahas, panunuyo, panunuhol o pagkapagod—na siyang natural na bahagi ng mga paglaban. Sana lang, may naipakita pa ang libro na iba pang mukha ng mga biktimang tumitindig, dahil tiyak nating marami sila.
May bahagi sa libro hinggil sa mga dating tagasuporta ni Duterte at ng kanyang madudugong kampanya. Ipinakita ang sarili nilang paglaban bilang akto ng pagsusumamo sa kanilang mga “kasalanan” bilang dating tagasuporta ng dating pangulo. Konsistent ito sa Katolikong tradisyon ng paghingi ng patawad. Sa bahaging ito, sinasabi sa atin ng awtor na umaasa siyang mababatid din ng karamihan ang katotohanan sa likod ng pekeng naratibo ng dating pangulo. Mahalaga ito, dahil sa panahong nagpapatuloy pa rin ang pandarahas at pagsisinungaling, madaling malulong sa kawalan-ng-pag-asa. Mainam na pasalamatan natin si Evangelista na tila hindi pa siya nawawalan ng pag-asa sa ating bayan.
Mahalaga rin ang ilang bahagi ng libro na mistulang leksiyon sa semantikong paglalaro ng rehimen para linlangin ang mga mamamayan. Sa pagitan ng mga kuwento, panaka-nakang itinuturo ng manunulat kung papaanong binangkarote ni Duterte (at Marcos) ang wika para itago ang totoo: hindi pagsalba ang “salvage”, hindi paglaban ang “nanlaban”, at iba pa. Sa mga mambabasang artikulado at aral sa kapangyarihan ng wika, madaling masapol ang puntong ito ni Evangelista. Bahagi ng paglaban para sa katotohanan at kabutihan ang pagbawi sa ating wika bilang artikulasyon ng ating tunay na kalagayan, katangian at pangarap.
Pero abstrakto ito sa marami. Mas malinaw at kongkreto ang paglaban kung malinaw sa ating isipan ang katangian ng kalaban. Higit kay Duterte (o kahit kay Marcos Jr. at Sr.), matagal nang nakalatag ang sistema ng brutalidad sa mga maralita. May direktang linya, halimbawa, na nag-uugnay sa giyera kontra droga at giyera kontra insurhensiya. Matagal nang nakatanim sa isipan ng mga nasa kapangyarihan at armadong puwersa ng estado ang ideolohiya ng dehumanization, adik man siya, tulak, rebelde o komunista. Mainam sanang maipakita o mabanggit ang ugnayang ito. Mayroon naman sa libro, pero hindi malinaw at kulang. Mainam din kung maipapakita ang batayan sa tunggalian ng mga uri ng brutalidad ng rehimen. “Are you going to shoot fellow Filipinos?” tanong ng mga mamamayang nag-alsa sa EDSA noong 1986 sa mga sundalo ni Marcos Sr. Ayon kay Evangelista, “oo” ang sagot dito ng mga Pilipino tatlong dekada matapos ang EDSA. “Kami ang mga Duterte,” sagot ng 16 milyong Pilipino.
Pero hindi lang si Duterte ang naging tagapamandila ng brutalidad, at hindi lang ang kanyang giyera ang naging giyera sa mga maralita. Ang kaibahan ng EDSA at Tokhang: marami sa mga nasa kalsada noong 1986 ay mula sa panggitnang uri. Silang may kumpiyansa at artikulado, nakapag-aral at angat ang kabuhayan, mahirap baliwalain at tanggalan ng pagkatao. Sa kabilang banda, hindi mahirap ituring na mababa sa antas-tao ang mga maralita, adik, tulak, rebelde. Mainam sanang maiugat ang brutalidad ng giyera kontra droga sa historikal na panghahamak sa mga mamamayang nasa laylayan—sa pamamagitan man iyan ng mga polisiya sa ekonomiya o direktang paggamit ng dahas ng estado.
Pero umaasa akong aabot din si Evangelista. Nasa tamang landas siya: ito ang landas ng pakikipagkapwa at pagmamalasakit sa mga maralitang sabdyek ng mga ulat niya. Malayo na ang inabot niya mula sa pagiging batang nangarap magkaroon ng blonde na buhok at asul na mata. Ipinakita niya sa librong Some People Need Killing ang sensitibidad ng isang mamamahayag na may pakialam sa kanyang mga kababayan, at may poot sa mga marahas at mapagsamantala.
Anu’t anuman, mahalagang babasahin ang librong ito bilang dokumento ng barbarismo ng nakaraang administrasyon. Mahalaga ito dahil nagpapatuloy at umiigting ang brutalidad sa ating panahon. Malaking bahagi ng pag-unawa natin sa panahong ito ang ginawa ni Evangelista na pakikisimpatya sa mga biktima, paglulugar ng ating sarili sa kanilang kalagayan, at pagsilip sa mga posibilidad ng ating paglaban.
Si Kenneth Roland Guda, 45, ang may akda ng “Peryodismo Sa Bingit: Mga Naratibong Ulat Sa Panahon Ng Digmaan At Krisis,” na nanalo sa Journalism category ng National Book Awards. Naging editor si Guda ng alternatibong newsmagazine na Pinoy Weekly, at naging senior reporter para sa Philippine Center for Investigative Journalism. Kasalukuyang bahagi si Guda ng UP Institute of Creative Writing.